Sa dami ng nangyari, nahihirapan akong magsulat ng isang katanggap-tanggap na blog post tungkol sa mga araw na nagdaaan.
Sobrang hirap ng pinagdaanan ko talaga para matapos ‘tong MA ko. 2016 ang student number ko, pero 2017 talaga ng second semester ako nagsimula. Natapos ko, sa wakas, ang mahabang paglalakbay patungo sa MA matapos ang limang taon.
Isusulat ko pa rin nang kompletong detalye lahat para may babalikan ako pagdating ng araw. So, tara?
Paano nagsimula
Secondary Education ang course ko, Major in English. Ang MA ko naman ay Master of Arts Malikhaing Pagsulat. Sa tingin ng madla, magkabaligtad ang English at Filipino, pero para sa kurso ko, halos kaunti lang naman rin ang pagkakaiba. Iba lang ng babasahin, pero parehong may teoryang binabasa, kritisismo, pagtuturo, at may isusulat pagkatapos. Siksik ang kurso namin dahil may Filipino at English readings.
Bakit Filipino MA mo? tanong ng marami. Ang lagi kong sagot, Bakit hindi? Kung walang kukuha ng MA sa Filipino, sino na lang matitira sa bansa?
Ang cheesy pakinggan, pero nag-aral uli ako dahil gusto ko talaga mapahusay ang pagsusulat ko para sa Diyos. Kasagsagan kasi ng 13th Prayer ko na libro na nailathala ng St. Paul’s.
Sa totoo lang, wala sa isip ko ‘yung kumuha ng MA dahil sa ranking, sa points, o sa technical na aspeto. Gusto ko lang mag-aral. Gusto ko lang mapahusay ang pagsusulat. Personal ko lang itong dahilan. Wala namang problema kung anong trip ng iba. Hehe.
Sa pagsusulat ng thesis
Noong nakaraang taon lang, natapos kong depensahan ang proposal ko. Isang taon ko ring binuno ang pagsusulat ng thesis. Ang dami kong gawain at ganap na hinindian dahil sabi ko sa sarili ko, hala ka Kim, kailangan mo na ‘tong upuan.
Tungkol sa Panitikang Pangkabataan ang thesis ko, dahil nga ang background ko naman sa pagsusulat ay Wattpad na hindi ko naman kinahihiya at proud ko pang sinasabi sa school. Bakit ko ikakahiya. Ang saya kaya noon.
Ang output ng thesis ko ay isang nobela tungkol sa isang kabataan na may halong tauhan sa mitolohiya ng Pilipinas. Ito na ata ang pinakamatagal na kwentong naisulat ko. Habang sinusulat ko ang blog na ito ay pinag-iisipan ko pa rin kung ipapasa ko ba ito sa publisher o hindi, o babasahin ko muna uli para masundan ng book two. Trilogy kasi ang ganap nito.
Hindi talaga madali lahat
Mahirap magsulat ng thesis. May trabaho ako full-time, may ilan ring side line (dahil breadwinner ako at ako lang may maayos na trabaho sa amin).
Kasagsagan ng pandemya noong nagsusulat ako ng thesis. 2021-2022. Ang daming nangyari noong taong iyon. May mga araw rin na kailangan kong mag-report onsite sa trabaho. Ang hirap ng biyahe.
Pero syempre, hindi naman ito nakikita sa social media. Ang makikita lang talaga ay ang tagumpay, hindi ang hirap sa likod nito.
Kapag nahihirapan ako, lagi kong binabalikan ang mindset na, gusto ko naman kasi ang ginagawa ko, kaya tuloy lang.
‘Di ba kapag may gusto tayong gawin, lahat gagawin natin magawa lang ito kahit mahirap? 🙂
Limang beses kong inulit ang thesis ko. Ang dami. Kung makikita niyo lang yung printed copy ng thesis na sinuri ng thesis adviser ko, maiiyak na lang talaga lahat pero tears of joy.
Birthday ko noon, pero tanda ko na nagrerebisa ako ng manuskrito. Pero syempre, hindi ito makikita ng lahat.
Mahirap at matagal magtapos sa UP
Sa totoo lang, napakahirap is an underestimation. Pero di ba, lahat naman mahirap. Pipiliin na lang talaga natin kung alin ang paghihirapan natin.
May semestre na halos isa o dalawa lang ang subject ko. Kaya napakatagal kong matapos lahat ng academic requirements.
Sa kabila ng lahat, masasabi kong sulit. Nakakilala ako ng mga kaibigan, natuto ako mula sa iba’t ibang napakagaling na propesor. Hanggang ngayon, baon ko ang GITING AT GALING na pinapaalala ng unibersidad.
Walang pagmamadali sa loob ng unibersidad na ito. Ang mahalaga talaga sa lahat ay ang pagkatuto. Ideal pakinggan, sa totoo lang. Pero ito naman talaga ang point ng akademya, ang makapag-aral upang makapagsilbi sa bayan. Serve the people, ikanga.
Ano na pagkatapos?
Siguro magpapahinga muna ako sa pag-aaral. Magbabasa na muna uli ako. Magsusulat pa rin sa Facebook page ko. Babalik sa dati, pero mas magiging malay at mulat na sa nangyayari. Gagamitin ko ang natutuhan ko upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bansa. Wow.
Patuloy ko pa ring pahahalagahan ang mga ordinaryong araw.
