Long post ahead! Tungkol ito sa karanasan ko bilang isang fellow sa isang national workshop.
Paano ba ito nagsimula?
Wala talaga sa hinuha ko na matatanggap ako at ang akda ko sa isang national workshop–lalo pa sa Amelia Lapena Bonifacio Writers Workshop na organized by UP Likhaan Institute of Creative Writing. Alam ko kasi sa sarili ko na isa lang akong simpleng manunulat. Lowkey lang ganon.
Kaya ang saya lang sa pakiramdam na makatanggap ng acceptance letter noong July tungkol sa pagkakabilang sa 12 fellows sa national workshop gaya nito. Binasa ko nga nang maigi ‘yung email, baka kasi mali lang ako ng pagkakaintindi. Pero hindi e. Kim Derla talaga. Ako talaga ang natanggap.
Kung matagal mo nang binabasa ang blog ko rito sa WordPress, siguro may idea ka na rin na 2012 pa lang, nagsusulat na ako. 2024 na ngayon at lagi pa rin akong bukas sa pag-aaral ng maraming bagay tungkol sa pagsusulat at sa panitikan. Naks! Simula noong Wattpad days ko, hindi ako humintong matuto sa pagsusulat.
Fellow na talaga ko. Game.
Maraming nangyari noong workshop. Pero nag-sink in sa akin lahat na kasama talaga ako sa workshop noong sumampa na kami sa bus. Imagine. Higit 30 kaming sakay ng bus. 12 fellows. 6 na panelists. 1 workshop director. At ang buong staff ng ICW ng UP. Wala akong close ni isa man sa kanila. Naging professor ko yung ilan, pero syempre, estudyante-guro lang ang pagkakakilala ko noon sa kanila. Hindi (pa) bilang kapwa manunulat.

Noong tumapak na ako sa loob ng bus. Nasabi ko talaga sa sarili ko. Workshop mode on na talaga. Pinagmasdan ko rin ‘yung mga kasama ko sa bus. May mga nakangiti, mukhang approachable, may mukhang introvert, at may mga magkakilala na.
Bilang INFJ, kinakapa ko pa kung anong personalidad ko ang gagamitin ko sa limang araw. Magiging happy kid ba ako o serious mode lagi. (Pero guess what aling personality napili ko. HAHA.)
Day 1 – Preliminaries – Teatro Mulat Tour and Boso-Boso Highlands Mode
Pumunta muna kami sa naging Teatro slash Tahanan ni Ma’am Amelia. Si Ma’am Amihan, anak niya, ang nag-tour sa amin doon. Pinakita niya ang ilang artifacts na gamit nila sa teatro, at pinakita rin nila ang tanghalan nila. Ang cute lang kasi parang lowkey version siya ng tanghalan sa Makati.

Lumalakas na ang ulan. Naambunan kami noong bumalik kami sa bus. Tuloy pa rin ang biyahe paakyat ng Antipolo. Nakatulog ako sa biyahe. Pagkagising ko, malapit na kami sa venue. Nakapunta na ako sa Boso-Boso Highlands noon kaya hindi na bago sa akin ang lugar at syempre, ang kape doon.
Hinayaan muna kaming makapagpahinga at makapaglagay ng mga gamit sa kanya-kanya naming silid. Si KP ang kasama ko sa silid. Pagkatapos naming maglapag ng gamit, bumalik kami sa session hall para mag-meryenda. May konting orientation mula sa organizers. Alas-dose ng tanghali, kumain uli kami ng lunch. Pinagpahinga kami hanggang 2pm.
Consistent ang lakas ng ulan. Bumalik kami sa hall ng alas-dos. Nagkaroon pa rin ng settings of expectations at pagpapakilala sa sarili. Dito. Hindi ko mapigilan talagang maging ako lang. Yung palatawa, at palaging nagbibiro. Okay hindi ko na talaga ito maaalis sa sarili ko. Natapos ang mga orientation noong 5:30 ng hapon. Maaga kaming kumain ng hapunan.

Pero hindi pa kami natulog agad. Nagkayayaan ang ilan sa amin na uminom ng tsokolate sa kapihan sa may lobby. Hindi ako chocolate drink fan pero go tayo rito dahil nakakadalawang tasa na ako ng kape sa araw na ‘to. Nakakuwentuhan ko ang ilan sa fellows. Sina KP, Eron, Joseph, Lawrence, Lourd, Wilfredo. Nagpapahinga na siguro ang ibang fellows noong oras na ito. Dito nagtapos ang unang araw.
Day 2 – Ang araw noong akda ko’y gisahin.
Isang linggo bago ang workshop, natanggap namin ang workshop materials kung saan nandoon ang mga akdang tula at kuwento ng kasama ko. Expected kaming lahat na basahin iyon bago sumalang. Doon ko rin nakita, sa file na ‘yon, na ako ang unang nakasalang. Like huyyyy! Lowkey nagulat ako kasi yung kwento ko tungkol sa Bungisngis ang unang-una sa mga babasahin.
Aminado akong hindi talaga ako magaling at perfect magsulat. Siguro, happy writing lang talaga kasi ako. Pero ayun na nga. Unang-una yung dalawang maikling kwento ko. Paano ba to.

7:00AM kami nag-almusal sa ikalawang araw. 8:00AM naman nagsimula ang unang Craft Lecture or Discussion ni Sir Eugene Y. Evasco. By the way, readers, si Sir rin ang lodicakes ko sa pagsusulat ng kuwentong pambata. Ibang level naman talaga ang husay at wisdom ni Sir sa side na ito ng panitikan.
8:30AM naman ako naka-schedule na isalang. HAYYY. Ang kaba ko talaga dahil: a) unang writing workshop ko ito b) kuwento ko ang unang ipapalihan at letter c) alam kong ang dami ko pang dapat ayusin sa narrative ko at sa lahat pa ng bagay na may kaugnayan sa malikhaing pagsusulat.
Moderator ko si Sir Vlad Gonzales. Isa pang lodicakes sa experimental writing, at sa popular culture na side ng panitikan. Naks. Sobrang bait at humble ni Sir. Wala akong masabi. Bilang moderator, alam kong naniniwala siya sa akin haha at sa aking mga akda. Pakiramdam ko. Isa akong manok noon na nilapag na sa kalaban sa sabong.

Si Kei ang discussant ko. Sa palihan pala, may isang fellow na magiging discussant. Siya ang mag-iisa-isa ng mga dapat pang pagandahin sa mga sinulat ko. Maganda lahat ng puntos na sinabi ni Kei. Kaya niyang magdiscuss ng akda ng higit sa 20 minuto–na siyang pabor talaga sa akin kasi ang dami ko pa palang pwedeng ayusin sa akda ko. Medyo gulat lang si aquoh dahil parang panabong na manok akong ano pilay na. Haha. Pero isa ito sa pinakamagandang experience na nakuha ko ng libre ha! Kei, kung nababasa mo man ‘to, di ako galit.
Mas lumakas na ang ulan noong ako ang nakasalang. Bumubulong na ang hangin. Dinig na rin ang pagpatak ng ulan. Kita na rin sa salamin ang mga nagsasayawang sanga ng puno sa labas. Mainit pa rin ang kape hihi. Nagbigay na rin ng iba pang suhestyon at puna ang mga kapwa ko fellows. Syempre, makabuluhan rin ang mga feedback mula sa mga panelists. May hiwalay akong post tungkol rito.
Natapos ang diskusyon ng 10:00AM. Medyo humupa ang ulan ng oras na ito pero hindi muna nag-post ang ICW ng updates tungkol sa workshop dahil baha na pala sa kapatagan. Nakatanggap na rin ako ng chat sa kapatid kong huwag munang umuwi dahil lahat ng kalsada papunta sa amin ay mataas na ang tubig. Nakahinga ako nang maluwag. 10:30am, ako naman ang discussant. Si Ma’am Carla Pacis naman ang moderator.
Lumalakas muli ang ulan pero tuloy ang palihan sa mga akda ni KP. Natapos kami sa kanya noong 12:00noon, sakto, lunch naman hanggang 1:00pm. Pagkatapos ng tanghalian, may craft lecture rin at nagpatuloy rin naman sa palihan pagkatapos.
Ang isa sa gusto ko sa pagiging una ay makakatulog na ako nang maayos noong gabing iyon. Kaya ko nang mas mag-chill sa kapihan nang may chocolate drink na hindi nag-ooverthink na ako ang isasalang bukas.
Day 3 – Maulan at Malamig na Araw
Pinagpapasalamat ko pa ring una ako sa mga na-workshop dahil kinabukasan, hindi ko na kailangang mag-isip nang malala at mag-overthink. Tapos na rin ako na maging discussant kaya relaxed na lang talaga ako sa mga sumunod na araw.

Ang mga craft lectures para sa araw na ito ay Ethics in Retelling and Adaptation of Folklore ni Sir Cheeno at Creative Process of Adapting Children’s Plays and Reimagining Folklore. Nagkaroon pa rin ng palihan sa araw na ito. Halos lahat ng akda sa araw na ito ay tula. Kaya marami akong natutuhan sa araw na ito dahil aspiring poet talaga ako noong sinulat ko ‘yung Paghilom. Kahit maikling kuwento ang pinasa ko, ang dami kong notes sa pagsusulat ng tula. Plano kong gamitin ito sa mga susunod na akda ko sa susunod na libro.
Maulan pa rin noong araw na ito, pero mas mahina na kumpara kahapon. Nag-hello na rin sa amin ang Haring Araw at ilang ulap. Pagkatapos ng workshop pala, nagkaroon na kami ng oras para mag-swimming. Nag-planning na rin kami para sa aming performance para sa Day 4 – Graduation namin.
Ang dami ko nang pictures sa araw na ito. Pansin mo? Hindi na kasi ako kabado. Haha.

Day 4 – Nagpakita na sa wakas ang araw.
Nakakatuwa dahil sa ikaapat na araw, nagpakita na si Haring Araw. Nagkaroon na rin kami ng chance na magkaroon nang mas magandang larawan sa may overlooking ng Boso-Boso Highlands. Mas chill na kami ngayong araw dahil alam namin na halos patapos na rin ang mga workshops.
Para sa araw naman na ito, ang mga naging craft lecture ay The Socio-Politically Aware Writer: Ideology in Children’s Literature ni Ma’am Lalaine, Inventing New Folklore ni Ma’am Carla Pacis, at Publishing Folktales for Children ni Ma’am China. Kagaya ng nakagawian, nagkaroon pa rin ng mga palihan in between.

Nang matapos ang lahat ng lecture at workshop, nagkaroon kami ng saglit na picture taking. Narito ang ilang larawan kasama ang fellows at mga panelists. Sobrang gaan kasama ng lahat ng nasa workshop na ito. Mula sa staff ng ICW at sa mga kapwa manunulat, lahat sila open and parang kakilala na kaagad. Hindi rin ako nahirapang mag-adjust dahil lahat sila approachable at friendly rin.
Day 4 – Mahabang Gabi ng Kuwentuhan at Pasasalamat
Pagkatapos ng mga palihan, nagkaroon kami ng evaluation tungkol sa workshop. Alas-siyete na ito natapos. Kinuha namin ang oras na ito para makapag-practice para sa aming presentation para sa maiksing graduation program na alas-otso naman nagsimula.
Ang cute lang dahil ang napiling presentation ng aming grupo ay base sa maikling kuwentong pinasa ko–yung tungkol sa Bungisngis na Naipit sa Jeep. Mula rito ang premise, pero ang galing ng mga kasama ko dahil nagawan nila lahat ng paraan para mapaganda pa ‘yung mini puppetry show namin. Tinawag namin ang grupo na Teatro Dilat.
Nang mag-alas-otso na, pumunta na kami sa venue. Nagsimula na rin ang programa. Nagsalita ang mga organizers ng workshop. Nagbigay ng mensahe na pagpapasalamat. Hindi nagtagal, tinawag na rin kami isa-isa para ibigay ang kanya-kanyan naming certificate. Sobrang saya ko nang matanggap ko na ang akin. First time ko makatanggap ng ganitong certificate. Grabeng blessing.

Pero higit pa rito, sobrang natuwa ako sa mga nangyari, sa mga natutuhan, at sa pagkakaibigan. Good news rin pala na Likhaan UP ICW rin ang maglalabas ng aking akda, na sinulat ko para sa aking thesis.
Wala nang entry para sa Day 5 dahil nagkaroon na kami ng kanya-kanyang oras nito para magligpit at maghanda na sa pag-uwi. Ako naman, nagkape lang uli ako sa lobby. Nakuhaan pa nga ng larawan ng kaibigan. Sinulatan ko lang tong larawan na kuha sa digicam ni Angel, at pinost ko rin pala sa fb ko.
Hayyy… Buhay! Ang saya balikan ng isang linggong workshop na ito. Nami-miss ko ang view sa Boso-Boso, ang pagkain araw-araw, ang kuwentuhan, at ang unlimited coffee.
Muli, pasasalamat sa Workshop Director na si Sir Eugene Evasco, ICW Director na si Sir Joey, ICW Deputy Director na si Sir Vlad, sa mga panelists, at sa mga ICW staff na may mabubuting puso. Hangad ko lagi ang kasiyahan ninyo (kung mababasa niyo man ‘to sa hinaharap). Sana lagi kayong masaya. Mahal namin kayo.
Panalangin ko sana, ma-revise ko kaagad ang aking maikling kuwento, mailathala ito, at maka-attend pa ng workshop gaya nito.
Salamat sa pagbabasa.
Congratulations!
Salamat po!
Welcome.
Salamat, pads!